Lastiko

SIMULA nang maging Pope Francis si Cardinal Jorge Bergoglio, kumalat na ang mga mumunting anekdota tungkol sa kanya na nagpapatunay ng kanyang kababaang loob at kung gaano siya kasimple sa kanyang pamumuhay.

Bago tumulak sa Rome si Cardinal Bergoglio, sinabihan niya ang may-ari ng newsstand sa Buenos Aires na si Daniel del Regno na huwag muna siyang rasyunan ng diyaryo sa loob ng 20 araw. Ipinaliwanag nito ang dahilan. Ang huling sinabi ng Cardinal kay Daniel ay “Ituloy mo ulit ang pagrarasyon ng diyaryo pagdating ko.”

Pero hindi na nakabalik ang cardinal pagkaraan ng 20 araw dahil nahalal na siyang Santo Papa. Isang araw ay nakatanggap ng tawag si Daniel: Hi Daniel, si Cardinal Jorge ito! Hindi kaagad nakasagot si Daniel. Ang nasa isip kasi niya ay isang nanloloko lang ang tumawag sa kanya. Nagpatuloy ang lalaki sa kabilang linya: Ako ito, si Cardinal Jorge. Kumusta ka na? I’m calling you from Rome.

Naku, na-shocked si Daniel. Sa sobrang katuwaan ay napaiyak ito. Ipinaliwanag ng bagong halal na Santo Papa na magtatagal na siya sa Rome kaya personal niyang kinakansela ang pagrarasyon nito ng diyaryo. Nagpasalamat ito kay Daniel at sa pamilya nito na matagal din naging tagarasyon ng diyaryo araw-araw.

Mula Lunes hanggang Sabado ay dinadalhan ni Daniel ng diyar-yong La Nacion ang cardinal sa kanyang tirahan. Kapag Linggo ay ang cardinal mismo ang dumadaan sa newsstand nila upang personal na kunin ang kanyang rasyong diyaryo pagkaraang ito ay umatend ng misa. Makikipagkuwentuhan muna ang cardinal kay Daniel at sa ama nito, tapos sasakay siya sa bus patungo sa Lugano upang magpakain ng batang mahihirap at maysakit.

Inirorolyo ni Daniel ang diyaryo at saka tatalian ng lastiko (rubber band) upang hindi maghiwa-hiwalay ang mga pahina kapag inihagis niya sa may pintuan ng bahay ng cardinal. Tuwing katapusan ng buwan, isasauli ng cardinal ang lastikong itinali niya sa diyaryo, nang kumpleto, 30 or 31 piraso, upang magamit daw ulit. Sayang daw kung mapapatapon lang. Ito ang tunay na “down to earth person”, sabi ni Daniel. Pasimpleng  nagpahid ng luha ang mag-ama pagkatapos ng interview sa kanila ng reporter, sabay sabing: “Sobrang mami-miss namin siya.”

 

             

Show comments