DAHIL dumadaldal na si Gummy, mas masarap na siyang turuan ng mga bagay-bagay. Tulad ng mga pangulo, imbentor at iba pa. Madalas na kapag nagpapabibo siya sa mga tao, tinatawag siyang baby genius. Kaya naisip ko, maganda lang kaya talaga ang memorya ni Gummy o genius siya? Bilang curious na ina, nanaliksik ako.
Narito ang mga senyales na dapat obserbahan para malaman kung genius ang anak: Ang genius ay sinumang taong ang IQ ay nasa 140 pataas. Magaling sila sa reasoning at problem-solving. Two percent ng populasyon ay 140 pataas ang IQ? Ngunit natural yata sa mga magulang na kapag ang anak ay may nagawang hindi pa karaniwang nagagawa ng mga ka-edad niya ay genius na kaagad para sa kanila! Naniniwala akong ang mga bata ay likas na matatalino. Lalo na dahil sa kanilang murang edad ay ina-absorb lang nila ang lahat ng nakikita at naririnig. Ngunit mas lalong mahalaga kung magiging aware ang mga magulang sa mga paraan upang mas tumalas ang kaisipan ng mga anak. Tulad marahil nang maagang pagbabasa sa kanila ng mga libro, pakikipag-usap at paiba-iba ang environment at kaganapan sa paligid. Higit sa lahat, upang maging responsive ang anak ay dapat ganoon din ang magulang sa kahit na pinakamaliit na tunog ay dapat mapuna ng mga magulang upang mahikayat ang bata.
Makikita ang batang genius kung: 1) Maagang nagsalita; 2) Maagang nagkakainteres sa mga libro; 3) Maagang nakabasa; 4) Natuturuan ang sarili; 5) Kapuna-puna ang interes sa ibang tao.
Ayon sa iba pang pag-aaral, ang mga batang genius ay mas kaunti ang tulog kaysa ibang bata. Madalas silang alerto at maagang natututunan ang mga bagay tulad ng pagsasalita nang maaga o kaya ay malawak ang bokabularyo. Mahaba rin ang kanilang attention span, na bihira sa mga bata at mabilis ang pagdebelop ng kanilang motor skills. Mahusay ang kanilang memorya, pati mga bagay na hindi aakalaing maaalala nila ay naaalala. May potensiyal ding maging genius ang mga batang labis ang kuryusidad, pagkasabik matuto at mahilig mag-solve ng problems. Mahilig silang maglaro ng puzzles at iba pang challenging game. Kapag mabilis ma-bore ang anak sa mga laro o laruan, baka ibang level ang kaisipan ng anak mo at genius siya!
Para makasiguro, pumunta sa psychologist para masubok ang iyong anak. Genius man o hindi, ang mahalaga ay gawin ng mga magulang ang makakaya upang maging matalas ang pag-iisip ng mga anak.