Ang pinaka-masuwerteng aso

SI Asia ay isang yellow Labrador Retriever na nagsisilbing guide dog ng isang bulag na radio journalist. Ang amo ni Asia ay si Alessandro Forlani, na nagtatrabaho para sa Italian RAI radio. Isa si Forlani sa libu-libong journalists na nakipag-meet and greet kay Pope Francis pagkaraang siya ay hiranging bagong Santo Papa ng Simbahang Katolika.

Pagpasok pa lang ni Forlani sa simbahan ay hinarang na sila ng Swiss guard at sinabing bawal ang hayop sa loob. Ngunit ilang segundo lang ang nakararaan ay sinabihang muli si Forlani ng guard na puwede na siyang pumasok sa simbahan, kasama si Asia.

Pagkatapos ng speech ni Pope Francis, nagsitayo ang mga journalists upang pumila  para sa baciamano o tradisyunal na paghalik sa singsing ng Santo Papa o kaya ay simpleng pagyakap sa kanya. Hindi pa nakakatayo si Forlani nang lapitan siya ng Vatican officials. Pinapalapit daw siya ni Pope Francis kasama si Asia.

Habang nag-uusap si Pope Francis ay halinhinang inamoy-amoy daw ni Asia ang laylayan ng abito ng Santo Papa at ang black shoes nito. Maya-maya ay binasbasan ng mabait na Santo Papa si Asia, ang kauna-unahang hayop na nakatanggap ng basbas ng bagong pinuno ng Simbahang Katolika.

 

Show comments