SOBRANG tapang naman ng gambling lord na ‘to na kilala sa pangalang Erwin Tan. Hamakin n’yo mga kosa, nagbukas ng jueteng si Tan sa Quezon City noong Lunes habang nasa kasagsagan ng kampanya laban sa illegal gambling si DILG secretary Mar Roxas. Ipinapakita lang ni Tan na may bayag siya o nagtatapon siya ng kanyang pera? Kung sabagay, hindi naman maglalabas si Tan ng milyon niya kapag wala siyang basbas ng mga opisyales ng pulisya sa opisina ni Roxas at sa Camp Crame, di ba mga kosa? Sa pagkaalam ko, panay raid ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Intelligence Group (IG) sa mga puwesto ng jueteng ni Tony Santos sa Quezon City nitong nakaraang mga araw. Ang palabas ay ayaw ni Roxas ng jueteng at iba pang numbers game. Subalit bakit nakapagbukas ng jueteng si Tan na para bang walang takot sa CIDG at IG? Nangangahulugan bang kaya nangri-raid ang CIDG at IG sa jueteng sa Quezon City ay para lang palitan ni Tan si Tony Santos at hindi para maipasarang tuluyan ang naturang sugal? Aba, dapat arukin ito ni Roxas dahil mukhang nahokus-pokus siya ng mga alipores niya, di ba mga kosa?
Sinabi ng mga kausap ko sa Camp Crame na ang tatlong itlog ni Tan na sina Clyde Fernandez, George Bueno at Romy Castro ang kumausap kay QCPD director Sr. Supt. Richard Albano, para magbukas sila ng jueteng sa Quezon City. Ipinagmamalaki ng tropa ni Tan na pumayag na ang kausap nila sa opisina ni Roxas na magbukas sila ng jueteng at maging ang CIDG at IG ay nasa payola na rin nila. Hindi lang yan. Nabanggit din ng tatlong itlog na ayos na rin si Supt. Ronald Lee, ang acting intelligence officer ng NCRPO. Hmmm.. Kumpleto-rekado ang backer ni Tan kaya wala nang haharang pa sa negosyo niya. Teka nga pala. Kay President Aquino kaya may parating na rin ang tropa ni Tan? Ano sa tingin n’yo mga kosa? Habang hindi pa niri-raid ng CIDG at IG o NCRPO ang jueteng joints ni Tan sa Quezon City, naniniwala ako na sarsuwela lang itong kampanya ni Roxas sa illegal gambling. May personal agenda rin pala siya. Ito kayang jueteng ni Tan ang magiging source ng “war chest†ni Roxas sa pagtakbo niya sa 2016?
Noong Lunes din, umabot sa 12 katao ang naaresto ng mga bataan ni Roxas sa raid sa jueteng joint sa Muntinlupa City. Dahil sa nangyayari sa Quezon Cty, nagdududa ang mga kausap ko sa Camp Crame na baka mapalitan din ni Tan ang financier ng jueteng doon sa southern Metro Manila. Di nalalayo, di ba mga kosa? Paano masasabing matagumpay ang kampanya sa illegal gambling ni Roxas kung si Tan ay hindi ginagalaw ng mga galamay niya? Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Sa totoo lang, kahit kaliwa’t kanan ang raid na isinasagawa nitong CIDG at IG, eh tuloy din naman ang operation ng illegal gambling sa bansa. Hanggang sa ngayon, wala pa akong nabalitaang gambling financiers na nagsara ng trabaho nila. Kung tuloy ang mga pasugalan, tuloy din ang lingguhang intelihensya. At sa tingin ko, si CIDG diÂrector Chief Supt. Frank Uyami na lang ang tahasang sumusunod sa “no take, no contact†policy niya. Ang mga tauhan niya? Take nang take sila at saksi ko diyan ang kalye. May Karugtong!