Paano maiiwasan ang kidnapping?

HINDI na biro ang dami ng kaso at paraan ng mga sindikato ngayon upang makakidnap ng mga bata. Edad apat na taon pataas ang karaniwang target. Kung minsan kahit mismong magulang na ang kasama ay nasasalisihan pa rin sila.

Paano maiiwasang maging target ng mga kidnapper? Narito ang ilang paraan.

1. Iba-ibahin ang inyong ruta pag-uwi at papuntang trabaho o eskwela. Ang minamanmanan kasi at binabantayan ng mga kidnapper ay ang inyong routine-saan kayo dumadaan kapag ganitong oras, nasaan kayo ng ganitong oras etc. Maghanap ng mga alternatibong daanan. Para hindi predictable ang inyong galaw.

2. Kapag nagmamaneho, maging mapagmasid sa iyong mga kasunod sa daan dahil baka mamaya ay binubuntutan ka na nito.

3. Huwag basta-bastang ipo-post sa social media kung nasaan ka. Sa kabilang banda, kapag naman aalis ka siguruhing may nakakaalam kung nasaan ka para kung sakaling hindi ka makontak ay alam saan ka unang hahanapin.

4. Huwag makikisakay sa hindi kakilala kahit pa mag-offer ang mga ito at kahit pa sa mga bagong kilala mo lang. Malay mo ba kung kaya ka kinilala ng mga ito ay para makidnap ka.

5. Laging mag-lock ng pinto-ng bahay at ng kotse. May mga abduction ding nagaganap sa mga kalsada. Minsan din ay kung hindi ka sa kalsada ma-intercept ng kidnappers ay darayuhin ka pa sa mismong tahanan mo. Kahit pa umaga o tanghaling tapat wag pakasiguro. Wala nang pinipiling oras ngayon ang mga masasamang loob.

6. Huwag basta makikipag-usap kung kanino lamang lalo na kung nakakaramdam ka na parang iba ang balak sa iyo. Turuan din ang anak na huwag makipag-usap sa di-kakilala. Bagamat cute kapag ang bata ay tinatanong at nakakasagot na ng basic info, hindi ito safe kapag malawig na masyado ang tanong tulad ng nasaan ang magulang mo, anong trabaho nila, saan kayo nakatira, saan ka nag-aaral etc. Kapag ang mga tanong ay may kinalaman sa mga gawain at lugar, magduda na.

7. Laging magdala ng kahit anong pang-self defense weapon. Kahit matulis na bagay-ball pen o susi sa kotse o pepper spray.

Ang mga nanay na luma­labas kasama ang anak lamang ay madaling target ng kid­nappers dahil sa bitbitin at walang ibang katuwang sa pagdala sa anak.

 

Show comments