EDITORYAL - Pulis-torture

NOONG Nobyembre 2010, maraming na-shock nang mapanood sa TV ang video ng isang hubo’t hubad na lalaking umano’y snatcher na hirap na hirap at sumisigaw sa sakit na nararamdaman. Nakahiga ang snatcher sa malamig na semento. Sa uluhan ng snatcher ay may isang nakaupong lalaki na may hinihilang mahabang tali. Kapag hinihila ng lalaki ang tali, napapahiyaw sa sakit ang nakahigang snatcher. Paano’y nakatali pala sa ari ng lalaki ang dulo ng tali na hinihila ng lalaking nakaupo. Paulit-ulit na hinihila ng lalaki ang tali at walang tigil naman sa kahihiyaw ang snatcher.

Umano’y ang lalaking nakaupo at humihila sa tali ay si Senior Inspector Joselito Binayug, pinuno ng Asuncion police community precinct sa Tondo, Manila. Ang kumuha umano ng video habang tinotorture ang suspected snatcher ay isa ring pulis na hindi na umano makaya ang ginagawang pagpapahirap sa suspect.

Matapos mapanood sa TV ang torture video, marami ang kumondena sa ginawa ni Binayug. Noong Nob. 3 2011, isang warrant of arrest ang nilabas ng Manila Regional Trial Court laban kay Binayug at sa anim pang pulis na naka-assigned sa Asuncion PCP. Pero bago pa maisilbi ang warrant of arrest ay nagtago na umano si Binayug at iba pang pulis na sangkot. Umano’y dalawa sa mga pulis ay kamag-anak ni Binayug. Hindi na nakita si Binayug sa loob ng dalawang taon.

Noong Lunes, nadakip siya habang nagre-renew ng lisensiya sa LTO-Tayuman. Hindi na umano nakapalag si Binayug. Nakatakda nang iharap sa korte si Binayug.

Nakapagtataka kung bakit umabot ng dalawang taon bago nahuli si Binayug. Dahil kaya, dati siyang pulis. At narito lang pala siya sa Maynila. Magkaganoon man, ang pagkakahuli sa kanya ay isang tagumpay na rin para sa PNP. At least, mabibigyan na ng hustisya ang lalaking tinorture. Umano’y hindi na nakita ang lalaki makaraang ma-videohan na tino-torture. Maaaring lumutang na sa Ilog Pasig.

Malaking hamon sa pamunuan ng PNP ang gina­gawang estilo ng ilang pulis para umamin ang suspect. Ganito ba talaga ang paraan para mapadali ang pagsolb sa kaso o krimen? Kaya bagsak ang PNP sa pa­ningin ng mamamayan ay dahil sa ilang pulis-torture. 

 

Show comments