Homeschooling (1)

NOONG Enero ay nagkaroon ako ng artikulo tungkol sa tradisyunal at progresibong edukasyon. Ngayon, ang nais kong talakayin ay ang homeschooling o ang pag-aaral ng anak sa tahanan sa ilalim ng superbisyon at pagtuturo ng magulang. Suwerte ang mga bata ngayon dahil marami ng opsyon pagdating sa kanilang edukasyon. May choices sila. Bilang mga magulang, nasa mga balikat natin ang pagpapasya ng pinakamakabubuti sa kanila.

Dalawang nanay na ang nakilala ko na nagho-homeschool ng kanilang mga anak at inalam ko mula sa kanila ang mga pros and cons ng pagho-homeschool dahil kung papipiliin ako at walang pressure na kumayod ay mas nanaisin kong nakatutok talaga kay Gummy, lalo na sa kanyang early growing years. Ito ang mga napulot ko sa kanila:

— Ang homeschooling ay nangangailangan ng buong atensiyon at maraming oras. Bilang guro ng iyong anak ay kailangan mong aralin ang mismong ituturo mo sa kaniya. Kahit pa may modules bilang gabay ay dapat alam na alam mo ang subject matter.

— Kailangang maging malikhain sa iyong pagtuturo at mga gawain. Dahil dalawa lamang kayo ng iyong anak sa klase, isang challenge na maituturing na hindi sila mabo-bore. Dahil walang ibang batang makakasalamuha, at kahalinhinan sa pagsagot. Kailangang punan ang kawalan ng pisikal na interaksyon sa iba.

— Dahil sa bahay kayo, mayroong kalayaan pagdating sa oras at paksang tatalakayin. Ibabase ito ng nanay sa abilidad ng bata, kakayanan at interes. Di tulad sa mga paaralan, ang pacing ng pagtuturo ay base sa bilis matuto ng bata at hindi sa pacing ng guro. Sa ganitong paraan made­debelop kung saan magaling ang bata at matututukan kung saan siya mahina.

— Ngunit dahil hawak n’yo ang oras, may risk na hindi makapag-establish ng routine. Challenge na magkaroon pa rin ng sistema at oras ng paggising, pagsisimula ng leksyon at oras para sa paglalaro. 

— Dahil may kalayaan sa oras, mas flexible ito para sa mga ibang aktibidades na nais gawin ng pamilya. Dahil ang timetable ay hindi pareho ng sa paaralan, maaaring magiskedyul ng bakasyon sa off-season months, na malaking kamurahan kapag peak season.

—Walang pagdaraanang peer pressure at bullying ang bata. Di tulad kapag nasa paaralan kahalo ang ibang batang iba’t iba ang karakter, walang pwedeng mang-api sa anak mo.

(Itutuloy)

 

Show comments