Hapones, 34 years na nakulong, wala naman palang kasalanan!

TOTOO na maraming nakabilanggo na wala namang kasalanan. Maraming nagdudusa sa madilim na bilangguan na hindi sila ang tunay na salarin. Magpahanggang sa kasalukuyan, may pinagdurusahan ang kasalanang kanilang ginawa.

Ganyan ang nangyari sa Hapones na si Sakae Menda. Tatlumpu’t apat na taon siyang nakulong sa kasalanan na hindi naman niya kailanman ginawa. Nasa death row si Menda sa loob nang mahabang taon. Sa katunayan, kilalang-kilala na siya ng mga prison guard at sa bawat pagpasok sa selda ni Menda ay yumuyukod ang mga ito.

Nangyari ang lahat noong 1948. Isang pari at kanyang asawa ang pinatay hindi kalayuan sa bahay ni Menda.

Makaraan ang ilang araw, dumating ang mga pulis at inaresto­ siya. Tatlong linggo siyang pinigil ng mga pulis. Hindi siya hinayaang makakuha ng abogado. Tinorture siya para aminin ang kasalanan. Dahil sa matinding pahirap, inamin niya ang krimen.

Na-convict siya noong 1951. Inilagay siya sa death row. Kasama niya roon ang mga bilanggong halang ang kaluluwa. Mula noon, hindi na siya hinayaang makausap ang kanyang mga kamag-anak.

Hanggang sa lumabas ang buong katotohanan. Wala siyang kasalanan sa krimen. Pero nangyari iyon makalipas ang 34 na taon. Pinalaya siya noong 1985.

Sa kasalukuyan, 87 taong gulang na si Menda­. Isa siyang activist at mahigpit na tumututol sa death penalty­. Noong 2007, nagsalita siya sa World Congress at mariing kinondena ang parusang kamatayan. Hiniling niyang ibasura ang capital punishment.

Show comments