Matapos ang mahabang bakasyon sa nagdaang Semana Santa, balik na muli sa dating gawi ang takbo ng buhay.
Siguradong paspasan pa rin ang pagluwas ng marami nating kababayan na nagsiuwi sa kani-kanilang mga lalawigan noong nakaraang linggo. Malamang din na yung iba may hang-over pa ng mahabang bakasyon.
Pagbalik sa dating gawi, nandyan na muling magiging kalbaryo ang masikip na trapik sa Kalakhang Maynila. Kung ilang araw ding naranasan ang masarap na pagbiyahe sa Metro Manila, pero ngayon balik normal, sa nagdidilim na dami ng mga sasakyan.
Sana naman ay natapos ang mga ginawang paghuhukay o pagkumpuni ng mga kalsada noong nakalipas na araw para hindi na dumagdag pa sa masikip na daloy ng trapiko.
Kung balik sa dati ang matinding trapik sa Metro Manila, eto ang isa pang magbabalik ang mainitan nang pangangampanya ng mga pulitiko.
Aba’y may ilang araw ding nanahimik ang mga ito, pero ngayon asahan nating muling iingay ang mga ito.
Lalu pa nga at simula na rin ang kampanya sa lokal naku, siguradong paspasan at halos sabay-sabay na ang mga yan, baka nga magkasalubungan pa sila sa kampanya.
Ok lang sana na ito ang marinig natin bago pa mag-eleksyon sa Mayo kaya nga lang ang nakakabuwisit lang madalas eh hindi plataporma ang pinagtatalunan, personalan madalas, kaya ano ang ating aasahan?
Nakakauyam man ang usapin sa mga kandidato, wala tayong magagawa ito ang takbo ng politika sa bansa.