‘Mag-ingat sa mga bantay-salakay na pulis’

NAGKALAT ang mga hunghang at putok sa buhong mga lespu sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Mga bantay-salakay na mga alagad ng batas na nagkukubli sa kanilang mga uniporme’t tsapa para mangulimbat ng pera. Gamit ang kapangyarihan at mga pakulo, naisasakatuparan nila ang walang habas na pangongotong at panghu-hulidap sa mga pobreng indibidwal.

Pero bago pa ang hokus-pokus ng mga pulis-kawatan, nagsasagawa muna sila ng “paimbabaw at walang katotohanang” Information Reference sa kanilang target. Ang “Information Reference” ay salitang legal na ginagamit lamang ng mga awtoridad ng batas. Ito ang mga impormasyon na nagmumula sa mga asset, intel, tipster, alpha, mismong biktima at concerned citizens hinggil sa partikular na kaso.

Pinag-aaralan at sinusuring mabuti ng mga law enforcement agency ang mga impormasyong ibinibigay sa kanila.  Agad ibinabasura ang impormasyon kung hindi nito kayang suportahan ang mga alegasyon. Sakali namang totoo, agad pag-aaralan ng mga awtoridad ang pagmamanman sa mga subject.

Sa America, tinatawag itong Field Intelligence. Ang pagkalap ng mga mahahalagang impormasyon sa pamamagitan ng pakikipanayam sa mga tao. Agad naman itong ibinabato sa kanilang communication system bilang “future reference” sa nilulutas na kaso.

Ang hubo’t hubad na katotohanan, sa Pilipinas, ginagamit at sinasamantala ng mangilan-ilang buwayang patay-gutom na mga pulis ang Info Ref  sa maling paraan! Mga putok sa buhong mga alagad ng batas na puro kabulukan at kabuluktutan ang laman ng utak na walang ibang ginawa kundi ang mang-abuso gamit mismo ang kanilang uniporme at kapangyarihan.

Hindi na bago sa BITAG ang mga kaso ng panghu-hulidap sa bansa. Araw-araw, binabaha ng ganitong mga uri ng sumbong aming textline. Sakaling mabiktima kayo ng hulidap ng mga gunggong na mga pulis, ipaalam ninyo agad sa Philippine National Police Headquarters o magtungo sa aming tanggapan. Marami na ang pumalpak at nahulog sa BITAG!

Manood at makinig sa Bitag Live! sa Radyo 5 at AKSYON TV sa Channel 41 araw-araw.  Pinoy US Cops – Ride Along, Sabado 8:30 – 9:00 at BITAG, 9:15 -10 ng gabi sa PTV4. 

* * *

Para sa inyong mga sumbong at tips mag-text message sa 09192141624 o mag-email sa bahalasitulfo@hotmail.com o magsadya sa BITAG Headquarters #299 Syjuco Bldg. Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City tuwing araw ng Miyerkules, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Show comments