EDITORYAL - Bilisan, pagdedesisyon sa mga kaso sa hukuman

MATAAS ang pagkakilala ng mamamayan kay Supreme Court chief Justice Maria Lourdes Sereno lalo na ang mga kaanak ng mga napagka-kaitan ng hustisya. Nang hirangin siya ni P-Noy noong nakaraang taon kapalit nang napatalsik na si Chief Justice Renato Corona, maraming umasa na ang mga inaagiw o inaamag na kaso sa hukuman ay madedesisyunan na.

Pero pitong buwan na si Sereno sa SC ay wala pang nakikitang pagbabago. Marami pa ring mga kaso ang hindi gumagalaw. May ginagawa ba ang Kataas-taasang Hukuman para mapabilis ang pagdinig sa mga kaso na noon pa nakasampa.

Sa sobrang tagal nang pagdedesisyon sa mga kaso, marami nang testigo ang nagbaliktaran sa kanilang naunang testimonya. Binawi na nila ang naunang pahayag na nagdidiin sa suspect o sa mga “utak” ng krimen. Sa sobrang tagal na nakabimbin ang kaso, nakagawa ng paraan ang kalaban para mabaliktad ang mga testimonya ng tumetestigo sa kanila.

Isang halimbawa ay ang kontrobersiyal na Ruby Rose murder case. Ang government witness na si Manuel Montero ay nag-retract na sa kanyang mga sinabi noon. Nakonsensiya raw siya. Wala raw katotohanan ang kanyang mga naunang salaysay na nagdidiin sa mga suspect ukol sa pagpatay kay Ruby Rose Barrameda.

Si Ruby Rose ay pinatay at isinilid sa drum, is­­i­nimento at inihulog sa dagat. Ayon sa salaysay ni Montero, binayaran sila ng P50,000 bawat isa para patayin si Ruby Rose noong Marso 2007. Ang nag-utos umano ay ang biyenan ni Ruby Rose at kapatid nito.

Kung naging mabilis lang ang pagdinig sa kaso, maaring nahatulan na ang mga pumatay kay Ruby Rose. Hindi na sana nakaatras si Montero. May magagawa kaya ang SC Chief Justice para pabilisin ang galaw ng mga kaso sa hukuman? O wala nang pag-asa?

 

Show comments