AYON umano ito sa isang bagong pananaliksik kamakailan na ginawa ng isang grupo ng mga British at American researcher na ang pinagbabasehan ay ang isang pag-aaral sa 1,122 kambal na nakatala sa database ng St. Thomas’ Hospital sa London.
Lumilitaw sa kanilang pag-aaral na ang paninigarilyo ay nakakapagpabilis din sa pagtanda ng katawan ng tao. Inihalimbawa nila na ang isang babaing nakakaubos ng isang pack ng sigarilyo bawat araw sa loob ng 40 taon ay nagiging mas matanda nang 7.4 taon kumpara sa kanyang mga kaedad na babae na hindi naninigarilyo. “Pinatatanda ng paninigarilyo ang katawan, hindi lang ang inyong puso at baga,†sabi naman ni Prof. Tim Spector ng Twin Research Unit ng St. Thomas Hospital sa isang panayam.
Idinagdag niya na may impluwensiya sa balat, utak at mga buto ng ating katawan ang paninigarilyo kaya ang bawat taong humihitit ng sigarillyo ay mas matanda nang lima o pitong taon kaysa sa mga kaedad nila. Nagtataglay ng lason ang sigarilyo na maaari anilang sumisira sa mga selula ng katawan ng isang tao.
Sa pag-aral ng naturang mga researcher, pinabibilis ng paninigarilyo nang 4.6 taon ang pagtanda ng DNA (Deoxyribonucleic Acid) ng katawan ng isang tao. Napansin nila na ang tinatawag na Telomeres (mga DNA sequences na matatagpuan sa dulo ng chromosomes na isa namang bahagi ng isang selula na nagdadala rin sa DNA) sa katawn ng isang naninigarilyo ay mas maliit kumpara sa isang kaedad niyang tao na hindi naninigarilyo.
Ipinahihiwatig sa pag-aanalisa sa dugo para sa DNA na umiikli ang Telomere habang tumatanda ang isang tao. Umiikli ang isang Telomeres tuwing mahahati ang isang selula hanggang sa wala nang matira at mamemeligro na sa anumang sakit ang isang tao. Natural umano itong nagaganap habang tumatanda ang isang tao. Ibig sabihin, dahil umiikli ang Telomere habang nagkakaedad ang isang tao, mas bumibilis ang pagliit nito kapag siya ay naninigarilyo. Ang bilang ng pakete ng sigarilyo na nauubos ng isang tao sa loob ng isang araw at ang sumang bilang ng mga taon ng paghitit niya ng sigarilyo ay katumbas ng 18 porsiyentong pagbawas sa haba ng telomeres. At habang tumatanda ang isang tao, tinutubuan siya ng iba’t ibang karamdaman tulad ng mga sakit sa puso. Sa nabanggit na pag-aral, sinasabi rin na nakakapagpabilis din ng pagtanda ng katawan ng tao ang katabaan o obesity. Mas maikli rin ang Telomeres ng isang matabang tao kumpara sa mga payat na tao. Nagiging mas matanda umano nang siyam na taon ang matataba kumpara sa mga kaedad nila na mga payat na tao.