NAPAKASAKIT kapag sa pamilya ay mayroong pinatay at hindi agad makamit ang katarungan. Masakit din kung ang pagpatay ay ginawa para lamang patahimikin upang itago ang masamang gawain. Pinatay para wala nang nakaaalam sa lihim.
Ganyan ang lumalabas na nangyari kay Navy Ensign Philip Pestaño na natagpuang patay sa kanyang cabin noong 1995. Deck officer at cargo officer ng BRP Bacolod si Pestaño nang mangyari ang krimen. Nasa tabi ni Pestaño ang isang baril at suicide note.
Subalit pinagdududahan ang suicide note ni Pestaño. Hindi raw iyon ang sulat-kamay ni Pestaño. Mali rin umano ang posisyon ng baril na ginamit ni Pestaño. Lumalabas na hindi nagpakamatay si Pestaño kundi pinatay.
Sampung Navy men ang inakusahang sangkot sa pagpatay kay Pestaño. Nirekomenda ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kaso sa 10 Navy men na karamihan ay mga matataas na opisyal. Ayon sa Ombudsman, may matibay na basehan para madiin ang Navy men.
Ayon sa report, pinatay si Pestaño makaraang ma-diskubre nito na ang ikakarga sa BRP Bacolod ay illegal na troso at maraming sako ng shabu na umano’y arina. Hindi pinayagan ni Pestaño na maikarga ang mga kargamento kahit superior pa niya ang nag-utos.
Sa kabila na may matibay na basehan para madiin ang 10 Navy men, hindi umusad ang kaso sa loob ng 17 taon. Sa tagal umusad, nagretiro na ang apat na Navy officials. Ang anim ay nasa active service pa.
Nagpalabas ng warrant of arrest ang Manila Regional Trial Court Branch 55 laban sa anim na Navy men. Noong Lunes, isinilbi ang warrant. Sumuko naman ang anim at nasa kustodiya ng Navy Provost marshal. Uusad na kaya ang Pestaño slay case? Sana nga. Sobrang tagal nang naghahangad ng hustisya ang mga magulang at kapatid ni Pestaño. Nararapat nang matikman ang inaasam na hustisya.