Turismo, hindi uunlad dahil maliit ang airport

MALAKI ang paniwala ng gobyerno na darami ang mga turista sa Pilipinas ma­tapos lagdaan ni President Noynoy Aquino ang Republic Act 10374 na nagtatanggal ng buwis sa foreign airlines. Malaki ang mawawala sa kita ng gobyerno dahil sa batas na ito pero mababawi rin naman. Malalampasan pa raw ang pakinabang ng Pilipinas sa pagsigla ng turismo.

Maaaring madagdagan ang mga turista pero hindi dapat umasa ang gobyerno na sisig­la ang turismo. Hindi lang naman ang pag-aalis ng buwis ang solusyon. Malaking problema ay ang napakaliit na Ninoy Aquino International Airport. (NAIA). Nali-late ang pagdating at pag-alis ng eroplano. Napakaliit kasi ng NAIA at hindi kayang mag-take off o mag-landing nang sabay-sabay ang mga eroplano.

Isang magandang halimbawa ay ang airport sa Thailand na dinudumog ng mga turista dahil sa nakapalaki at napakaayos. Dito, gustuhin man ng foreign airlines na magdagdag ng kanilang biyahe, hindi makakayanan ng NAIA na i-accommodate ang mga ito.

Palpak ang Department of Transportation and Communications (DOTC) dahil hindi nila pinupursige ang pagpapalawak ng NAIA. Panahon na para pag-isipan na ilabas ng Metro Manila ang NAIA. Kapag nagkaroon tayo nang malaking airport tulad sa Thailand ay saka pangarapin na sisigla ang turismo sa bansa.

Palpak talaga ang DOTC! Ang solusyon na ginawa sa umaapaw na pasahero sa MRT sa EDSA ay ang paglalagay ng mga bus bilang alternatibong solusyon. Nakakatawa dahil sa halip na madaliin ang pagdaragdag ng mga bagong train sa MRT ay pampasaheorng bus ang inilagay. Lalong nagdagdag ng problema ang DOTC sa masikip na trapiko sa EDSA. Sa halip masolusyunan ang problema sa MRT ay pinalubha pa. Mabuti at itinigil na ng MRT at DOTC ang  kakatwang diskarte. Ang solusyon, magdagdag ng bagon (coaches) para maisakay ang napakaraming pasahero ng MRT.

Sana, bago gumawa ng mga pakulo ang MRT, gamitan nila ng isip. Pag-aralan at kumunsulta para hindi pumalpak!

Show comments