EDITORYAL - Batik

LALONG bumababa ang pagtingin sa Philippine National Police (PNP) Marami nang ayaw magtiwala. At walang dapat sisihin sa pagbaba ng tingin kundi ang mga pulis mismo nagbibigay ng batik sa kanilang organisasyon. Maraming pulis na “scalawags”. Ang mga scalawags na ito ang nagbubulid sa organisasyon sa mas malalim pang hukay. Kapag hindi nagkaroon nang matinding reporma sa PNP patuloy ang pagkapal ng batik. At kawawa ang mga matitinong pulis sapagkat damay sila sa ginagawa ng “scalawags”. Kahit na walang ginagawang palso ang matitino, ang tingin na rin sa kanila ay masama. Sa katotohanan, kapag nakita ng mamamayan ang asul na uniporme ng mga pulis, masama na ang kanilang naiisip.

Ang pagkakasangkot ng 21 pulis sa Atimonan murder ay isa na namang matinding batik sa PNP. Kabilang sa kinasuhan ng murder ay ang lider ng grupo na si Supt. Hansel Marantan at kanyang superior na si Chief Supt. James Melad. “Rubout” at hindi shootout ang nangyari sa Atimonan noong Enero 6, 2013 kung saan 13 tao ang napatay. Kabilang sa napatay ang tatlong pulis. Agawan sa teritoryo ng jueteng ang ugat ng lahat. Isa sa napatay si Vic Siman, umano’y jueteng lord sa Laguna.

Bukod sa pagkakasangkot ng mga pulis sa “rubout”, marami rin namang sangkot sa “hulidap”. Huhulihin ng pulis ang kanilang target na civilian at tataniman ng kung anu-anong ebidensiya o kaya’y droga at saka hihingan nang malaking pera. Gaya ng ginawa ng dalawang pulis sa Quezon City na sina PO1s George Verbo at Thomas Jansen Tulio na “hinulidap” ang isang lalaki. May nakuha umanong shabu sa lalaki at hinihingian ng P15,000 nina Verbo at Tulio para makalaya. Nahuli rin agad ang dalawang pulis makaraang magreklamo ang lalaki. Ayon kay NCRPO chief Dir. Leonardo Espina, sisibakin ang dalawang pulis.

Walang kadala-dala ang mga pulis “scalawags”. Patuloy na naghahatid ng batik ang PO1, PO2 at PO3. Nararapat ang matinding reporma para maibangon ang organisasyon. Kailangan ang “kamay na bakal” para matanggal ang batik.

 

Show comments