NAGBITIW ako sa isang malaking kompanya dahil ang pakiramdam ko ay napulitika ako ng dalawang nagsabwatang bossing (manager at Executive Vice President) ng departamentong kinabilangan ko. Umalis ako sa kompanya, kinalimutan ang nangyari at tinalikuran ko ang aking propesyon upang harapin ang hilig sa pagsusulat. Kahit barya-barya lang ang aking kinikita sa pagsusulat kumpara sa malaking suweldo ko sa dating pinagtatrabahuhan, di naman hamak ng milyong ligaya ang nadarama ko sa tuwing nalalathala ang aking mga kuwento sa pocket book at komiks.
Marami akong kaibigan na naiwan sa dati kong kompanya kaya buong-buo kong nalalaman ang mga pangyayari. Ang aking manager na nagrekomenda na huwag akong bigyan ng merit increase ay nagbitiw din sa trabaho mga ilang buwan lang matapos akong magbitiw. May nilabag siyang company rule. Bilang parusa, inilipat siya ng EVP sa ibang department sa posisyong mas mababa sa kanyang kasalukuyang hinahawakan. Dito siya pumalag dahil sa kanyang pananaw, wala siyang kasalanan. Kinasuhan niya ang kompanya sabay resign sa trabaho. Ang problema ay natalo siya sa kaso kaya wala siyang natanggap na benefit kahit singko sa 15 years niyang pagseserbisyo.
Pagkalipas ng ilang taon ay EVP naman ang naharap sa kontrobersiya. Lumipat siya sa kompanyang kalaban ng dati kong kompanya. Ang pakiramdam ng matataas ng opisyal ng kompanya ay pinagtaksilan sila ng EVP. Magkalabang mortal sa industriyang ginalawan nila ang dati kong kompanya at ang kompanyang lilipatan ng EVP. Ang departamentong hinahawakan ng EVP ang may hawak ng mga “secret formula†ng lahat ng produktong ibinebenta ng kompanya. Paano kung ang formula ay ibigay nito sa kalaban? Posible. Siyempre ang loyalty ng EVP ay nasa kalaban na. Kaya ilang oras pagkaraang nagpaalam ang EVP na lilipat na siya ng kompanya, agad siyang itinuring na persona non grata at inutusang lisanin kaagad ang kanyang opisina. Habang kinukuha niya ang mga personal na gamit, may nakaalalay sa kanyang dalawang guwardiya hanggang sa siya ay sumakay ng kanyang kotse. Ginawa ito upang hindi makapagbitbit ang EVP ng anumang mahahalagang dokumento na maaari nitong maipasa sa kalabang kompanya.
Nature runs a restaurant called Karma. It’s a place where there is no need to place any order. You are automatically served what you deserve.—unknown