Lampong (214)

MALAPIT lang ang bodega­ ng itlog. Wala pang sampung minuto ay narating na nila. Malaki ang bodega na gawa sa kawayan. Walang bintana. Ang bubong ay kugon. Nang makapasok sila sa loob ay tumambad ang maraming itlog na nasa tray. May ilang babaing trabahador na naglalagay ng itlog sa tray.

Nang tunguhin ni Tina ang kinalalagyan ng mga itlog na nakalagay pa sa mga bakol at basket ay sinamantala ni Dick ang pagkakataon. Pasimpleng kinausap si Mulo.

“Mulo tulungan mo akong makumbinsi si Tina para makapasok ako sa itikan nila. Gusto ko masorpresa si Jinky. Si Tina lamang ang makakatulong sa atin, Mulo.’’

“Sige po Sir Dick. Akong bahala.’’

“Sabihin mo wala naman akong masamang intensiyon.’’’

“Sige po Sir Dick, kukum­binsihin ko si Tina.’’

“Sasabihin ko na kay Tina ang lahat. Sasabihin ko hindi naman talaga ako bibili ng itlog. Basta i-back-up mo ako, Mulo.”

“Sige Sir.”

Maya-maya papalapit na si Tina.

“Ayan Sir, sabihin mo na kay Tina.”

Nang lumapit si Tina, wala nang patumpik-tumpik si Dick. Sinabi ang lahat. Nag-sorry rin si Dick kay Tina.

Nagtawa naman si Tina.

“Bakit ka nagtawa, Tina?” tanong ni Dick.

“Kasi po ang galing mong mag-isip ng paraan kung pa­ano sosorpresahin si Mam Jinky. Natutuwa po ako. Kinikilig po ako, Sir Dick.”

“Kung ganoon tutulungan mo ako, Tina para makapasok sa bahay ni Jinky.”

“Opo.”

(Itutuloy)

 

Show comments