KAMAKAILAN lang ay ipinagyabang ng admiÂnistrasyon ang 6.6 percent na pag-angat ng ekonoÂmiya. Nalampasan daw ang 5-6 percent na target nila noong nakaraang taon. Maski ang International Monetary Fund (IMF) ay humanga sa performance ng Pilipinas at nagpahayag nang pagsuporta. Pero ang nakapagtataka, hindi malasap o maramdaman ng mamamayan ang sinasabing ganda raw ng ekonomiya. Tila ba iilan lang ang nakakalasap nito.
At lalo nang naging mapakla ang panlasa ng nakararami dahil sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng gasoline at diesel. Mula nang pumasok ang 2013, limang beses nang nagkaroon ng oil price hike. Kamakalawa, nagtaas na naman ng P1 sa gasolina at umano’y may pagtataas pa sa susunod na linggo. Pati ang presyo ng diesel at kerosene ay tumataas din.
Maraming nagtataka sa sunud-sunod na oil price hike at iniisip nilang makakaligtaan kaya ito ng admiÂnistrasyon dahil sa pagiging abala sa pangangampanya. Hindi na mapagtuunan ang pagtaas ng gasolina saÂpagkat ang inuuna ay ang kapakanan ng mga kanÂdidato ng administrasyon.
Apektadong masyado ang mga drayber ng dyipni sapagkat halos wala nang maiuwi sa pamilya dahil napunta na lamang sa mahal na krudo. Ang walang habas na pagtaas ng gasolina at krudo ang naging dahilan para magbanta ng rally ang transport group Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston) sa susunod na buwan. Ito raw ay kung patuloy na babalewalain ng gobyerno ang walang patlang na pagtaas. Tila wala raw pakialam ang gobyerno kahit naghihirap na ang mamamayan lalo ang mga karaniwang jeepney driver.
Kapag natuloy ang rally, apektado ang mamaÂmayan. Apektado rin ang negosyo. Maraming mapaparalisa. Hihintayin pa bang mangyari ito? Nararapat kumilos ang gobyerno. Huwag namang itutok sa kandidato ang panahon.