ANG bursae ay mga maliliit na sacs na nagsisilbing kutson sa tinatawag na pressure points sa pagitan ng buto at fibrous tissues ng ating masel at litid. Naigagalaw natin ang ating mga joints o hugpungan nang maluwag dahil sa mga bursae na ito.
Heto ang ilang sintoma na makikita kung namamaga o nagkaproblema ang mga bursae na ito: 1) May pananakit o paninigas sa paligid ng naturang joint; 2) Tumitindi ang kirot kapag naigagalaw o nadidiinan ang joint; 3) Mainit ang pakiramdam ng joint; 4) May pamamaga at pamumula ng balat sa ibabaw ng naturang joint.
Bursitis (bursaytis) ang medical term natin kapag namaga ang mga bursae na ito. Nangyayari ito kapag nasasaktan ang bursae sa paulit-ulit na galaw ng joints o kapag humampas ang naturang joint o kapag bumagsak nang mali at nadiinang maigi ang joints.
Ang karaniwang joints na tinatamaan ng bursitis ay ang joints sa may balikat, elbow, o balakang. Halimbawa, matagal kang nakaluhod sa paghahalaman o pagtatanim, ang pressure na ito ay puwedeng masaktan ang iyong bursae. Puwede itong mauwi sa pamamaga. Kung nagbabadminton naman o may activity na kailangang ihampas ang kamay, puwede ring mamaga ang mga joints ng balikat. Puwede ring rayuma, gout, o anumang impeksyon ang sanhi ng bursitis.
Kusang gumagaling ang bursitis. Pero makatutulong ang sumusunod: 1) Ipahinga at huwag masyadong igalaw ang apektadong joint; 2) Maglagay ng yelo sa ibabaw ng joint kung namamaga; 3) Uminom ng analgesic o iba pang pain relievers gaya ng mefenamic acid, ibuprofen.
Mahirap kapag may bursitis. Masyado kasing masakit, mahirap gumalaw, matindi ang kirot. Madalas ay nauubusan tayo ng pasensiya. Pero konting tiis. Ilang linggo ang lilipas bago tuluyang gumaling ito. Kailangan talaga ng pinagbigkis na tiis at pasensiya!
Kung impektado ang inyong bursitis, doon lamang kakailaÂnganing uminom ng antibiotiko. Bihirang pagkakataon na ang namamagang bursae ay kailangang i-drain pa surgically.