NAGDIDILIM na naman ang eskinita at mga kalsada. Pero hindi dahil makulimlim ang panahon at nagbabanta ang ulan. Madilim dahil nagsabit na ang mga tarpaulin at streamer ng kandidato. Malalaki at malalapad ang mga streamer, dahilan para maÂtakpan ng mga ito ang araw. Hindi pa nag-uumpisa ang campaign period pero para sa mga kandidato, noon pang Pasko nagsimula dahil parang Krismas Tri na ang mga poste ng kuryente sa dami ng mga nakasabit na posters. Pati ang mga punongkahoy na tahimik na nakatayo ay sinabitan ng streamers. Ang iba ay pinako mismo sa katawan ng puno ang mga tarpaulin na may nakalarawang mukha ng kandidato.
Tila hindi na nabibigyang pansin ng Comelec ang walang disiplinang pagkakabit ng mga streamers. Basta kung saan-saan na lang. Sa Quezon City, maski ang malinis na pader na bagong pintura ay tinapalan ng mga posters ng kandidato. Natadtad ng mga dinikit na papel na may larawan ng kandidato ang pader. Napakasamang tingnan na animo’y binaboy dahil sa patung-patong na posters. Halatang nag-aagawan sa pader ang mga nagkabit ng posters sapagkat nagpatong nagsapin-sapin ang pagkakadikit. Mayroon kayang guidelines ang Comelec ukol dito. O wala nang panahon ang Comelec dito?
Kapag ang mga tarpaulin ng kandidato ay tinaÂngay ng hangin, malaking problema ito sa kapaligiran. Kung noon ay plastic bags at supot ang problema kaya nagbabaha, maaaring sa hinaharap ay tarpaulin na ang magiging dahilan nang pagbaha. Mas matindi ito sapagkat malaki at di-natutunaw.
May pakialam kaya ang Comelec sa mga basura ng kandidato?