TiNgnan mo nga naman ano!
Hindi lang pala kolorum na mga bus ang kumakalat sa kahabaan ng EDSA, aba’y meron din pala ditong itinayong kolorum na mga bus stop o waiting shed.
Aba eh kung hindi pa pala ito pinaggigiba kahapon ng mga tauhan ng MMDA, eh hindi natin ito malalaman.
Ayon sa MMDA, tuluyan nilang inalis ang mga kolorum na bus stop dahil sa nakakadagdag ito ng kalituhan sa ipinatutupad na bus stop segregation scheme ng ahensya.
Kabilang sa mga giniba kahapon ang mga waiting sheds sa Kaingin, Reliance, Ortigas-MRT station, dalawa sa Shaw Blvd., sa tapat ng Starmall, Main Avenue at Bansalangin.
Dahil nga sa de-bubong, inaakala ng mga pasahero na bus stop ito, minsan naman daw sinaÂsamantala ng ilang pasaway din na mga bus driver kahit alam nilang hindi ito legal na bus stop nagsisihinto doon.
Tinawag na iligal ang mga kolorum na waiting sheds dahil sa itinayo ang mga ito nang walang pahintulot buhat sa MMDA. Itinayo umano ang mga ito sa gabi at madalian para makaiwas sa atensyon.
At talaga raw intensyon na manglito dahil pininturahan pa ng berde upang bumagay sa dating kulay ng MMDA.
Kaya nga ngayon, ginawa nang pula at asul ang awtorisadong kulay ng ahensya.
Talaga nga naman itong kahabaan ng EDSA, lahat na yata ng modus eh masusumpungan dito kaya nga kailangan talaga ang masusing pagmamatyag sa kalsadang ito.
Usapang EDSA pa rin, kailangan nang paghandaan ng publiko ang isasagawang rehabilitasyon nito na baka raw simulan na sa Hunyo, ayon sa DPWH.
Siguradong matinding trapik ang idudulot nito sa 23-kilometrong haba ng EDSA.
Dapat ngayon pa lang mapag-aralan na ng MMDA at ng mga kinauukulan ang mga gagawin para hindi naman mabigla ang publiko sa trapik na idudulot nito.
Matagal pa namang gawaan ito. Ibig sabihin mahabang panahon ang ipagtitiis na kalbaryo sa biyahe na maÂaaring idulot nito.