Editoryal - Basura uli sa Luneta

NAULIT ang nakadidismayang tanawin sa Luneta noong Bagong Taon. Tambak uli ang basurang iniwan ng mga taong nagselebreyt doon. Noong nakaraang Pasko, 50 trak ng basura ang hinakot mula sa Luneta. Ganundin karaming basura ang hinakot noong Bagong Taon na iniwan ng humigi’t kumulang 300,000 katao. Ayon sa National Park Development Committee (NPDC) kabilang sa mga basurang nakolekta ay plastic bag, pinagbalutan ng litson, cup ng noodles, plastic bottle, styro, kaha ng sigarilyo, kahon ng fried chicken, plastic na kutsara’t tinidor, 3-in-1 coffee sachet, aluminum foil, kaha, upos ng sigarilyo at marami pa.

Bago mag-bagong taon, nakiusap ang pamunuan ng NPDC sa mga magtutungo sa Luneta na maging responsible naman sa pagtatapon ng basura. Huwag iwan ang mga basura. Magdala ng sariling garbage bag. Subalit ang pakiusap ng NPDC ay hindi pina-kinggan. Kung gaano karaming basura ang iniwan noong Pasko, ganoon din karami ang iniwan noong Bagong Taon. Sabi pa ng NPDC, may mga inilagay silang basurahan sa paligid para doon ilagay ang mga basura pero, kung saan-saan din itinapon ang mga basura.

Hindi lamang sa Luneta nagkaroon nang mara-ming basura kundi sa maraming lugar sa Metro Manila. Nagkalat ang pinagbalatan ng buko, kahon ng mga mansanas, ubas at iba pang prutas.

Wala pa ring leksiyon ang marami. Sa kabila na dumanas na nang maraming baha na ang dahilan ay mga bumabarang basura, patuloy pa rin ang walang disiplinang pagtatapon. Hindi na nakapagtataka na sa mga susunod na pananalasa ng bagyo, muling babaha sa Metro Manila. Marami na namang mapipinsala at may buhay na masasayang.

 

Show comments