Lampong (156)

HINDI maaaring magkamali si Dick. Si Puri nga ang nakita niyang sumakay sa BMW. Kung noong isang araw ay duda siya kung si Puri nga ang babaing suma­kay sa BMW, ngayon ay hindi na siya maaaring magkamali.

Nakadama ng galit si Dick. Bakit ginawa iyon ni Puri sa kanya? Naging matapat naman siya rito. Hindi niya sinayang ang pagtitiwala nito.

Binalikan ni Dick ang mga pangyayari. Napansin niya na laging umiiwas sa kanya si Puri. Galit ito sa kanya. Laging nakataas ang boses. Hindi niya alam kung bakit nagagalit. Wala naman siyang alam na dapat ikagalit nito.

At ang matindi ay ang pagsisinungaling nito. Buong akala niya ay nasa Baguio pa ito pero narito na pala at mayroon nang sinasamahang iba. Niloko siya. Pinaniwala siya na nasa Baguio pa.

Nakadama ng panlalambot si Dick. Ang sakit ng ginawa ni Puri. Ginawa siyang tanga!

Hindi nalaman ni Dick kung paano siya nakauwi. Nasa harap na siya ng apartment. Sobrang gulo ng kanyang isip.

Nang makapasok sa loob ng bahay ay ibinagsak ang katawan sa sopa. Lambot na lambot siya. Ang sakit ng ginawa sa kanya ni Puri. Mabuti pang sinampal siya ni Puri sa magkabilang pisngi kaysa naman­ sa dinaya siya. Sobrang pang-aapi ang ginawa sa kanya ni Puri.

Maya-maya ay bumangon si Dick. Tinungo ang kusina. Binuksan ang ref. Kumuha ng isang beer. Binuksan. Tinungga. Inubos niya sa isang buhatan lang.

Bago bumalik sa salas, kumuha ng isa pang beer. Binuksan at dinala sa salas. Habang nakaupo sa sopa ay ininom.

Muli naalala niya ang scene kanina. Nakita niya ang paglabas ni Puri sa building. At kasunod niyon, ang pagtigil sa harap nito ng isang bagong BMW. Sumakay si Puri. Hindi siya maaaring magkamali na si Puri ang babaing sumakay. Hindi naman niya nakita ang lalaki dahil tinted ang salamin.

Nangapal ang pisngi ni Dick. Tumalab na ang beer.

Hanggang sa nagwawa­ting-wating na isip ni Dick ay mayroon siyang naisip. Gusto niyang malaman kung sino ang lalaking ipinalit sa kanya. Siguradong mayaman dahil naka-BMW. Siya ay wala ni bisikleta. Wala siyang ilalaban sa lalaki.

Bukas, sisimulan niyang subaybayan ang dalawa. Humanda ka, Puri.

(Itutuloy)

 

Show comments