Lampong (150)

MAGMAMANMAN na siya kay Puri. Iyon ang palagay ni Dick na tamang paraan. Wala nang ibang paraan para malaman kung naka­balik na si Puri sa Maynila mula sa mahabang seminar. Sa ilang linggong seminar, duda na siya sa haba. Ang alam niyang seminar-workshop ay anim na araw na lang. Tatlong linggo na ang seminar ni Puri kaya talagang nag-iisip na siya. Malakas ang kutob niya na narito na sa Maynila si Puri.

Hindi naman niya ito matawagan sapagkat naga­galit sa kanya. Siya pa ang pinagtataasan ng boses. Ang pagmamanman na nga lang ang dapat na solusyon.

Pumuwesto si Dick sa di-kalayuan sa building nina Puri. May nakayungyog na malaking sanga ng kahoy kaya iyon ang nagkukubli sa kanya. Sa di-kalayuan ay ang EXIT ng mga sasakyang naka-park sa basement. Nakikita niya nang ma­linaw ang mga lumalabas sa building. Hindi niya inaalis ang tingin sa mga em­pleadang lumalabas sa building. Sa dami ng lumalabas sa building ay baka makalusot si Puri.

Habang nakatingin sa mga lumalabas na empleado ay nag-iisip si Dick. Ano kaya ang gagawin niya kapag nakita si Puri? Magpatangay kaya siya sa galit? Kumprontahin kaya niya? Pagsalitaan kaya niya nang masakit? Napailing sio Dick. Hindi siya dapat magpadala sa galit. Cool lang dapat siya. Pigilan ang sarili. Iyon ang nararapat.

Nang bigla siyang mapamulagat sa nakita. Isang babae ang  nakita niyang pasakay ng BMW. Nakatalikod ang babae. Pero ang style ng buhok, hugis ng likod at umbok ng puwit ay parang si Puri. Si Puri kaya iyon?

Hanggang sa mabilis na lumayo ang BMW.

Naiwan si Dick na nagtatanong sa sarili: Si Puri kaya yun?

(Itutuloy)

 

Show comments