PROBLEMADO na si Dick. Apektado na ang kanyang trabaho. Hindi niya aakalain na magbibigay sa kanya ng mga isipin si Puri. Ang nakapagpapabigat ay kung bakit nagalit ito sa kanya nang tawagan niya. Hindi siya pumasok sa trabaho ng araw na iyon. Maghapong nasa bahay at nakahiga. Iniisip nang iniisip si Puri.
Hindi pa rin niya mapagpasyahan kung pupuntahan si Puri sa opisina nito. Paano kung naroon na nga si Puri? Ano kaya ang magiging reaksiyon niya? Baka mapagsalitaan niya nang hindi maganda. Umaasa siyang nasa Baguio ito pero narito na pala. Pero sisikapan niyang magpakahinahon at hindi gagawa ng anumang kaguluhan. Pananatilihin niyang ma-ging cool.
Final na ang desisyon niya na pumunta sa opisina ni Puri para malaman ang lahat.
Naidalangin ni Dick na wala pa nga si Puri at nasa Baguio pa. Magiging masakit para sa kanya kung narito na nga si Puri at hindi ipinaalam sa kanya. Kung ganoon ang mangyayari saka na lamang niya iisipin ang mga sunod na hakbang.
KINABUKASAN, maagang gumising si Dick. Hindi pa rin siya papasok sa opisina nila. Tatawag na lamang siya sa personnel department nila para ipaalam na may sakit siya at hindi makakapasok.
Eksakto alas-otso ay nagtungo na siya sa opisina nina Puri. Kabisado na niya ang opisina nina Puri dahil ilang beses na rin siyang nakapunta rito. Nasa third floor ang opisina nina Puri. Hindi na siya nag-elevator. Isa pa, pila ang sasakay sa elevator nasulyapan niya. Nasa third floor lang naman. Exercise pa para sa kanya.
Pagdating sa third floor, kumanan siya. Nasa dulo ang opisina nina Puri. Eksaktong malapit na siya sa opisina nang masalubong niya ang isang empleada na maaaring kaopisina ni Puri.
Dito na lang siya nagtanong.
“Excuse me, puwede bang magtanong ?’’
‘‘Ano po yun Sir?’’
‘‘Puwede ko bang ma-laman kung pumasok si Puri?’’
Napamaang ang babae. Nagulat sa tanong ni Dick.
“Si Puri ba nasa loob?’’
(Itutuloy)