Lampong(145)

MAKARAANG ka­usapin si Puri ay naupo muna sa konkretong upuan na nasa loob ng mall si Dick. Parang hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyari kanina nang makita ang babaing inakala niyang si Puri. Duda talaga siya! Pero nang makausap naman niya si Puri sa phone ay nabawasan na ang pagdududa niya. Nasa Baguio pa nga si Puri at dumadalo sa seminar.

Dapat niyang pagtiwalaan si Puri sapagkat tapat naman ito sa kanya. Magagawa ba naman ni Puri na ipaglihim sa kanya ang pag-uwi galing Baguio? At saka bakit niya ipaglilihim ang pag-uwi?

Binalikan niya sa ala­ala ang itsura ng babaing inakala niyang si Puri. Ma­ikli ang paldang hapit na hapit, hanggang balikat ang buhok, maganda at slim. Hmmm…parang si Puri at parang hindi rin si Puri. Sa pagkakatanda niya ay hindi naman ganoon kaikling magpalda si Puri. At saka napakabilis maglakad. Hindi naman ganoon kabilis maglakad si Puri. Marahan itong maglakad. Hmmm…duda siya kung si Puri ang babae. At saka nang tawagan niya ay sumagot agad. Hindi na siya dapat magduda.

Pero hindi talaga niya malimutan. Kahit nang papa­uwi na at naka­sakay sa taksi ay si Puri pa rin ang iniisip

Pagdating sa bahay ay nagluto siya ng pagkain. Maaga siyang kakain ng hapunan. Mamaya pagsapit ng alas-otso ay magmamatyag siya sa unit ni Puri. Doon niya matitiyak kung narito na nga si Puri. Kapag narito na siya, hindi niya alam kung ano ang mangyayari. Bahala na.

Eksakto alas-otso ay nagtungo siya sa unit ni Puri. Kailangang hindi siya makita ni Jinky. Kapag nakita siya ni Jinky, tiyak magtataka iyon.

Nagkubli si Dick sa haligi. Mula roon ay kitang-kita niya ang unit. Masisilip na niya kung may tao.

Matagal nang nakatayo si Dick pero nananatiling madilim sa unit ni Puri. Walang ilaw. Ibig sabihin, walang tao sa loob!

(Itutuloy)

Show comments