Bulok at kakarag-karag na mga sasakyan, wawalisin sa lansangan

Uunti-untiin na raw ng LTFRB ang pagwalis sa mga bulok at kakarag-karag na pampasaherong sasakyan sa mga lansangan sa Metro Manila   simula sa Enero ng susunod na taon.

Aabangan natin kung talagang maipapatupad ito ng ahensya, kasi nga mukhang matagal na nating naririnig ang ganito pero walang nangyayari.

Ayon sa LTFRB, bago kasi mairehistro ang isang pampa­saherong sasakyan kailangang kumuha muna ang mga operator ng confirmation sa kanila pero kung ang sasakyan ay mahigit na sa sampung taon ay hindi na nila ito bibigyan ng confirmation para mairehistro.

Ngayon sa pagpasok ng 2013, ito raw ang kanilang uunahin ang matanggal sa lansangan ang mga bulok at kakarag-karag na pampasaherong sasakyan.

Dapat yatang unang tutukan dito ang mga pampasaherong bus hindi lang sa kahabaan ng Edsa kundi sa mga pumapasada sa ibang lansangan sa Metro Manila.

Dapat na nga siguro  na maalis  na  ang mga kakarag-karag at bulok na sasakyan sa mga lansangan.

Hindi lang madalas na nasisiraan ang mga ito sa daan na nagiging sagabal sa trapik, ang ilan grabe na ang ibinubugang mga maiitim na usok na panganib  pa sa kalusugan.

Yun naman mga FX at AUVs na aircon kuno, naku imbes na lamig ang binubuga eh talagang sakripisyo na ang mga pasahero dahil parang baga ang binubuga nito dahil sa kalumaan.

Ayon nga sa LTFRB marami na raw sa mga ito na maging sa loob ng sasakyan ay hindi na komportable ang mga pasahero, sa amoy pa lang at ilang sirang upuan abay, kalbaryo na sa mananakay.

Baka nga ang karamihan pa sa mga ito eh sadyang walang prangkisa at kolorum pa.

Aantabay tayo kung talagang maisasakatuparan ng LTFRB ang programang ito. Baka naman puro salita na lang  at walang aktuwal na pag-aksyon.

 

Show comments