HINDI nakapaghanda ang mamamayan sa Cagayan de Oro at Iligan City noong Disyembre 16, 2011 sa pananalasa ng bagyong “Sendong” kaya ang resulta, maraming casualties. Mahigit 1,000 katao ang namatay dahil sa “Sendong”. Karamihan ay sinagasaan ng mga trosong inanod mula sa bundok. Maraming bahay ang nawasak dahil sa pagragasa ng mga troso na may kasamang putik. Gabi naganap ang pananalasa ng bagyo kaya naman maraming natutulog at walang kamalay-malay na paparating na bagyo. Huli na para makatakas sa mabangis na bagyo.
Hindi rin naman nakapaghanda ang mamamayan o maski ang pamahalaan nang manalasa ang bagyong “Ondoy” noong Set. 26, 2009 na ikinamatay ng 300 katao at sumira ng ari-arian na umaabot sa P9-bilyon. Bumuhos ang malakas na ulan at sa isang iglap, lumubog ang maraming lugar sa Metro Manila. Umabot sa bubong ng bahay ang tubig. Maraming residente ang nagpalipas ng baha sa bubong. Hindi agad nakaresponde ang mga rescuers sapagkat hindi alam kung saan idadaan ang mga rubber boats.
Sa pananalasa ng bagyong Pablo noong Martes sa Mindanao at Visayas region na nag-iwan nang 274 patay, masasabing nagkaroon na nang leksiyon ang pamahalaan at ang mamamayan mismo. Mula nang ianunsiyo ng PAGASA ang paparating na bagyong Pablo, agad na nagsagawa ng paghahanda ang pamahalaan. Inilikas ang mga residenteng nasa lugar na dadaanan ng bagyo. Sumunod naman ang mga residente. Dinala sila sa gymnasium at covered court. Walang nagpaiwan sa kani-kanilang mga bahay. Nagkaroon na sila ng leksiyon sa nakaraang pananalasa ng bagyo. Malaking aral ang kanilang natutuhan na hindi dapat tumutol kung inaatasan nang lumikas.
Naghanda ang gobyerno para sa kalamidad pero dapat pang dagdagan ito. Mas magandad kung walang magbubuwis ng buhay. Maaari naman ito kung magtutulungan ang bawat isa.