Editoryal - Tulungan ang mga biktima ng ‘scam’

HANGGANG ngayon, hindi pa rin makapaniwala ang mga nalokong investors ng Aman Futures na wala na nga ang kanilang pera. Hindi nila mapaniwala ang sarili na ang perang matagal nilang inimpok ay nawalang parang bula. Ang masakit, dahil sa kabiguang mabawi ang pera mula sa retirement, minabuting magpakamatay na lang. Yung iba, dahil sa matinding galit, kinidnap ang isang ahente ng Aman at pinatay. Lahat ng 15,000 investors ng Aman ay nananatiling naghihintay at umaasa na maibabalik ang kanilang pinaghirapang ipuning pera. Nakaabang sila sa opisina ng NBI at patuloy na inaalam kung nasaan na ang founder ng Aman na si Manuel Amalilio, isa umanong Malaysian.

Kamakalawa, sumuko na sa NBI ang limang execu­tives ng Aman. Natatakot umano sila sa maaaring mangyari sa kanila kaya sumuko na sila. Gusto rin umano nilang ipabatid ang kanilang panig ukol sa “investment scam”. Sasabihin umano nila ang lahat. Ang lima ay sina Leilan Lim Gan, Eduard Lim, Wilaie Fuentes, Naezelle Rodriguez at Lurix Lopez. Si Fernando “Nonoy” Luna, umano’y dating janitor at drayber na manager ng Aman ay hindi pa nahuhuli.

Pero kahit sumuko na ang lima, hindi pa rin nababawasan ang matinding pangamba ng investors ukol sa kanilang pera. Ang gusto nila ay madakip sina Amalilio at Luna sapagkat ang mga ito ang nagsimula nang lahat. Umasa sila sa pangakong malaking interest ng kanilang pera kaya nag-invest sila nang malaki. Hindi nila inaasahang lolokohin lamang pala sila. Karamihan sa mga investor ay teachers, sundalo, government officials, vendors, magsasaka, mangingisda at marami pang iba. Ang ilan ay nag-loan ng pera para mai-invest sa Aman. Hindi nila inaasahan na maglalahong parang bula ang kanilang pinaghirapan.

Kawawa naman ang investors na damang-dama ang kabiguan. Nagkataon pang magpapasko. Saan sila pupulutin kung hindi maibabalik ang kanilang pera.

Ang agarang tulong ng gobyerno ang hinihintay ng investors. Gawin ang lahat nang paraan para madakip ang “utak” ng scam. Pagbayarin siya.

Show comments