…may delicadeza ang akyat-bahay at pokpok
HABANG tumatagal ang panahon ay mas nagiging “daring” na ngayon ang mga kriminal. Kahit kapitbahay ay tinatalo na rin ng mga kriminal. Ang suspect sa pagpatay sa UPLB student ay dating kapitbahay ng biktima. Ang mga suspects na nanloob at pumatay sa dalawang dalagita sa Caloocan kamakailan lamang ay kapitbahay din ng mga biktima.
Noong nangungupahan pa lang kami sa isang maliit na kuwarto sa Sampaloc noong unang bahagi ng 80’s, ay may kapitbahay kaming siga. Ang bulong-bulungan ay akyat-bahay daw ito. Pero don’t worry daw dahil ang “tinitira” nito ay mga bahay na malayo sa aming lugar. Kumbaga, naniniwala pa rin ang sigang ’yun sa kasabihang “respect thy neighbors’ property”. Tapos may seksing babae na nangupahan sa katabing bahay namin. Matapos mag-research ang mga tsismosong manyak, napag-alaman nila na dancer/GRO ang seksing babae sa isang sikat na club sa Sta. Mesa. Aba, nagkaisa ang mga manyak na puntahan ang club na sinasabi para mapanood ito kung paano kumembot-kembot sa stage. At kung papalarin, ite-table na rin nila. Nagtagumpay ang lakad ng mga manyakis dahil napanood nila ang pagsayaw ni Seksi. Pero nang mag-request sila na i-table ito, tumanggi si Seksi neighbor. Namukhaan pala ni Seksi na ang isang grupo ng audience niya habang sumasayaw ay pulos mga neighbors niya. Kaya…isang mahigpit na AYAW ang sagot nito sa request na i-table siya. Naniniwala kasi siya sa kasabihang, “respect thy neighbor’s husband”. O, di ba? Kahit pa sila ay hamak na magnanakaw ng property o magnanakaw ng asawa, basta’t kapitbahay, may batas sila sa kanilang sarili na ang mga kapitbahay ay hindi dapat “tinatalo”.