Pagbabayad ng kasalanan

ITO marahil ang direktang salin sa Filipino ng “Sin Tax” na usap-usapan ngayon. Naniniwala akong anumang gawaing nakasasama sa katawan ng tao ay isang kasalanang maituturing.

Isang malaking usapin ang pagbubuwis ng alak at sigarilyo. Umaalma ang lahat ng panig na nakikinabang --- ang mga konsumer, at ang manufacturers. Kapag pinatawan ng mas mataas na tax ang mga produktong ito ay tataas ang gastusin ng mga end-users habang bababa naman ang kita ng mga gumagawa.

 Ang pangunahing rason ng pagsulong ng nasabing batas ay upang makalikom nang mas malaking pondo ang pamahalaan upang mapabuti ang health care sa bansa kung saan ang pangunahing nakikinabang ay ang mga mahihirap. Gayundin upang mabawasan ang mga kaso ng mga sakit at kamatayang dulot ng paninigarilyo. Layunin din ng nasabing batas na ma-discourage ang mga kabataang manigarilyo. Presyo ang gagamitin nilang driving force upang masupil ang paninigarilyo.

Ayon sa mga pag-aaral, ang marketing efforts ng tobacco companies ay nakatuon sa mga mahihirap dahil ang mga ito ay walang gaanong nalalaman sa panganib ng paninigarilyo. Sa 23 milyong adult smokers sa Pilipinas, mahigit sa 70% nito ay mga mahihirap. Kaya naman ma­laking pag-aalma ang nagaganap dahil hindi na magiging ganoon ka-affordable ang yosi sa mga taong kakarampot ang kinikita. Sa Pacific region, ang Pilipinas ang may pinakamurang sigarilyo.

Hindi lamang kalusugan ang makikinabang kapag naipasa ang House Bill 5727, makakatipid pa. Kung P60 ang isang pakete ng sigarilyo at araw-araw ay nakakaisang pakete ka, sa loob ng isang linggo ay P420 na. Sa isang buwan ay P1,700 iyan. Kung iipunin pamalengke na o pambayad ng tubig.

Tayo rin naman ang makikinabang sa mas mataas na pagbubuwis na ito. Dahil tataas ang tax revenues, tataas din ang pondo upang mapabuti ang katayuan ng health care sa bansa --- mas maraming ospital ang maipapatayo, mga doktor, nars at community health workers ang mabibigyan ng trabaho.        

Tama lang na singilin nang mas mataas na tax ang tobacco manufacturers dahil ito ang magsisilbing bayad nila sa mga sakit na dulot ng produkto nila. Ang tatamaan ng pagpapasa ng batas ay tobacco farmers. Payo ko, simulan n’yo nang maghanap ng ibang itatanim dahil malapit nang supilin ang sigarilyo sa buong mundo.

Show comments