PATULOY ang pagpatay sa mga mamamahayag. Nadagdag sa listahan si Julius Caesar Cauzo, broadcaster ng isang local radio station sa Cabanatuan City, Nueva Ecija. Binaril siya at napatay ng isang lalaking nakamotorsiklo noong nakaraang Huwebes. Patungo na umano sa dwJJ station si Cauzo para sa kanyang morning broadcast sakay ng motorsiklo nang barilin. Tatlong tama ng bala sa likod ang kanyang ikinamatay.
Naganap ang pamamaril kay Cauzo habang umiiral ang gunban sa lungsod dahil sa gagawing plebisito.
Nakapagtataka kung paano nakalusot ang baril gayung dapat ay may mga checkpoint sa lugar. Ipinakikita rin bang hindi nagpapatrulya ang mga pulis sa lugar ng krimen? Umano’y balewalang tumakas ang gunman. Kung may nagpapatrulyang pulis, maaaring nahuli ang killer ni Cauzo.
Ayon sa National Union of Journalist in the Philippines (NUJP), si Cauzo ang ikalimang mamamahayag na pinatay ngayong 2012 at ika-14 sa panahon ng panunungkulan ni President Noynoy Aquino. Mula 1986 hanggang sa kasalukuyan, 154 na mamamahayag na ang napapatay.
Ang Pilipinas ang nangunguna sa mga bansa sa buong mundo na pinaka-delikadong lugar para sa mga mamamahayag. Dati ay Iraq ang nangunguna pero nasapawan na ng Pilipinas. Noong nangangampanya pa si President Aquino, sinabi niyang isa sa mga prayoridad ng kanyang administrasyon ang paglutas sa mga pagpatay sa mga mamamahayag. Pero hanggang ngayon, wala pang nalulutas at patuloy pa ang mga pagpatay sa mga mamamahayag.
Pinaka-karumal-dumal ang pagpatay sa 30 mamamahayag noong Nob. 23, 2009. Kasama silang minasaker ng may 27 sibilyan habang patungo sa presinto sa Maguindanao at magpa-file ng kandidatura. Hanggang ngayon, hindi pa nakakamit ang hustisya.
Kailan matatapos ang pagpatay sa mga mamamahayag at kailan sila mapoproteksiyunan?