Malamang na maraming mga tanggapan ngayon ang magdedeklara na ng half day work para sa kanilang mga manggagawa na karamihan ay hahabol sa mga pagbiyahe kaugnay sa mahabang bakasyon sa linggong ito.
Karamihan ay magsisiuwi sa kanilang mga lalawigan para bumisita sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
Siguradong punung-puno ang mga terminal, daungan at mga pantalan na dito naman makikisiksik at titira rin ang mga kawatan.
Hindi magsasawa ang Responde sa pagpapaalala sa mga modus ng masasamang elemento sa ganitong mga panahon, kahit na nga mismong ang inyong lingkod ay hindi nakaligtas sa mga kawatan o ang kilabot na ‘akyat-bahay gang’ noong nakalipas na linggo. Talagang kahit saan na nga yata nagsusulputan ang mga masasamang elemento.
Kahit mga subdivision o villages na may mahigpit na seguridad, walang patama sa mga kawatan na ito. Kaya nga mas lalo sigurong dapat higpitan pa ang pagbabantay dahil baka naman kulang pa.
Bagamat napasok ang aming bahay sa Laguna Bel Air sa Sta. Rosa, Laguna at nakapaglabas na ng ilang gamit na kinulimbat, eh minalas ang mokong at hindi tuluyang nadala. Pwedeng napigilan ito matapos na makita agad ng mga security ang inilabas na mga gamit at postehan kung sino ang kukuha. Nakatunog siguro ang kawatan kaya iniwan na lang.
Maraming salamat sa lahat ng tumulong at sa patuloy na tumutulong sa isinagawang imbestigasyon, partikular sa Sta. Rosa police.
Ngayon balikan natin ang mga gagawing paglalakbay ng marami nating mga kababayan.
Aba’y huwag nang magdala ng maraming gamit lalo na ang mga magko-commute, baka mawaglit pa sa inyong paningin, masalisihan kayo ng mga kawatan.
Huwag na rin magsuot ng mga alahas, lalo na ang magpupuntahan sa mga sementeryo, baka kayo pa targetin ng mga masasamang elemento.
Kung may kasamang mga bata, tingnang mabuti, baka magkawalaan pa o di kaya ay lagyan ng pangalan o contact number sa bulsa ang mga ito para mawala man, madaling maibabalik sa mga kaanak.
Sa mga gagamit ng pribadong sasakyan, kailangan din ang matinding pag-iingat. Dapat ma-check mabuti o maikondisyon ang inyong mga sasakyan para iwas abala o aksidente sa lansangan.
Laging tandaan, ingat!