DOH, naka-Code Blue alert para sa ASEAN Summit

President Ferdinand Marcos Jr. and Canadian Prime Minister Mark Carney hold a bilateral meeting on November 14, 2026 at the Philippine International Convention Center (PICC) in Pasay.

MANILA, Philippines — Itinaas ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Deve­lopment (DOH-MMCHD) ang Code Blue alert mula Nobyembre 10 hanggang Nobyembre 20, 2026, bilang paghahanda sa 49th ASEAN Summit.

Ang layunin ay para tiyakin ang kahandaan ng mga ospital, mabilis na pagtugon sa mga emergency, at malapit na pag-monitor sa mga kaganapan kaugnay ng summit.

Ang lahat ng tauhan ng DOH-MMCHD, mga ospital na nasa ilalim nito, at treatment and rehabilitation centers ay pinagbantay at inutusang manati­ling alisto.

Naka-on-call status at sumasailalim sa 12-oras na duty ang mga regional medical team, water, sanitation, and hygiene (WASH) team, health education team, at Development Management officers.

Naka-monitor din ang Health Emergency Management Services ­Operation Center kasama ang mga lokal na pamahalaan at response team.

Nitong Sabado ng umaga ay lumapag sa  Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sina Canadian Prime Minister Mark Carney bilang Guest of the ASEAN Chair, at Cambodian Deputy Prime Minister for Education, Youth and Sports Hang Chuon Naron para kumatawan kay Prime Misiter Hun Manet, na inaasahang darating din sa huling araw ng summit.

Dakong hapon nang dumating din sa NAIA si Australian Prime Mi­nister Anthony Albanese.

Inaasahang sunud-sunod pa ang pagdating na mga lider habang umiinit na ang mga pagpupulong ng mga senior official.

Show comments