MANILA, Philippines — Inihayag ng Department of Health (DOH) na mahigit 300 ang bilang ng mga indibidwal na nakakaranas ng stroke sa gitna ng holiday season.
Base sa datos mula sa walong sentinel sites na binabantayan ng DOH, umakyat ang kaso ng stroke mula 12 noong Disyembre 23, 2024 sa 146 noong Enero 2, 2025 at dalawang pasyente dito ang nasawi.
Samantala, mayroong 140 stroke patients ang naitala sa Philippine General Hospital (PGH), at 41 iba pa sa Tondo Medical Center.
Sa mga kaso ng acute coronary syndrome (ACS), sinabi ng DOH na batay sa sentinel sites, tumaas mula sa dalawa noong Disyembre 22 sa 74 noong Enero 2.
Isang pasyente ang iniulat na nasawi dahil sa ACS, isang kondisyon na nauugnay sa mga biglaang pagbabago sa daloy ng dugo sa puso.
Ang mga kaso ng bronchial asthma base sa sentinel sites ng DOH ay umakyat din mula anim noong Disyembre 22 sa 80 noong Enero 2. Karamihan sa mga kaso ay mga batang may edad na 0 hanggang 9. Naitala rin sa PGH ang 46 kaso ng bronchial asthma habang 11 ay mula sa Tondo Medical Center.