Tinedyer tinodas sa Christmas party

MANILA, Philippines — Isang 16-anyos na binatilyo ang nasawi nang pagsasaksakin gamit ang cutter knife sa isang Christmas Party ng Parola Youth Club ng mga kabataan makaraang magkaroon ng kaguluhan, naganap kamakalawa sa Brgy. District 1, Lemery, Batangas.

Kinilala ang nasawi na si Denver Mendoza Rivera, residente ng Barangay District I, Lemery, Batangas habang inoobserbahan sa pagamutan ang isa pang biktima na si Ericson De Chavez Datinguinoo, residente din ng nasabing lugar.

Sa ulat ng pulisya, alas-3:00 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa Christmas party ng Parola Youth Club Party na ginanap sa nasabing lugar.

Nabatid na kapwa mga dumalo sa nasabing party ang dalawang biktima at suspek na si alyas John nang magkainitan  na nauwi  sa suntukan.

Nang madehado ang suspek ay kinuha nito ang isang cutter knife at inundayan ng saksak sa katawan ang biktima.

Dito na tinangkang umawat si Rivera, subalit inundayan din siya ng saksak ng suspek sa dibdib.

Kapwa itinakbo sa Batangas Provincial Hospital at Lemery Doctors Medical Hospital ang dalawang biktima, subalit idineklarang dead on arrival si Rivera. 

Show comments