Pulis na masasangkot sa indiscriminate firing, sisibakin

Members of the Quezon City Police District (QCPD) Station 10, salute during the singing of the Philippine National Anthem at the QCPD Kamuning Station in Quezon City on December 11, 2023.

MANILA, Philippines — Mahaharap sa pagkakadismis sa serbisyo ang sinumang pulis na masasangkot sa indiscriminate firing o pagpapaputok ng baril ngayong Pasko at sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Ito ang mahigpit na babala ni PRO3 Director PBGen. Redrico Maranan, alinsunod sa direktiba ni PNP Chief PGen. Rommel ­Francisco Marbil na nagbaba­wal sa paggamit ng baril ng mga PNP personnel sa pagdiriwang ng mga nasabing okasyon.

Idinagdag pa niya na tuwing Bagong Taon, maraming pulis ang nasasangkot sa insidente ng indiscriminate firing, na nagiging sanhi ng ligaw na bala at mga insidente ng pagkakasugat o pagkamatay.

Bukod dito ay mahigpit din ang utos ng PNP laban sa paggamit ng mga ipinagbabawal na paputok ng mga miyembro nito.

Ipinaalala ni PBGen. Maranan sa mga pulis ng Gitnang Luzon na tiyakin ang kaligtasan at kapayapaan ng komunidad at hindi lamang tagapagpatupad ng batas kundi maging halimbawa ng tamang asal at disiplina.

Show comments