MANILA, Philippines — Patay sa pamamaril ang isang dating barangay captain at kanyang anak nang tambangan sila sa Barangay Kajatian, Indanan, Sulu nitong Linggo
Kinilala ng mga pulis ang mga nasawing biktima na sina Faizal Ibrahim Biao, 61, dating barangay captain ng Kandaga, Talipao, Sulu, at anak na si Fadjiri Abdurajan Biao, 27.
Sa mga hiwalay na ulat nitong Lunes ng mga opisyal ng Sulu Provincial Police Office at ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, magkaangkas sa motorsiklo sina Fadjiri Abdirajan Biao, 27-anyos, at ang kanyang 61-anyos na ama na si Faizal Ibrahim Biao nang paputukan ng M16 assault rifles.
Batay sa imbestigasyon, nakasakay ng motorsiklo ang mga biktima mula Jolo, Sulu patungo sa Barangay Kandaga sa Talipao nang pagbabarilin sila ng mga armadong kalalakihan sakay ng SUV gamit ang M16 rifle sa isang liblib na bahagi ng highway sa Barangay Kajatian, Indanan.
Nagtamo ng mga tama ng baril ang mga biktima at agad na binawian ng buhay.Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang mga otoridad.