MANILA, Philippines — Dalawang indibidwal ang nasawi habang dalawa ang malubhang nasugatan matapos na sumalpok ang isang tricycle sa kasalubong na bus, naganap kamakalawa sa bayan ng San Miguel, Bulacan.
Nasawi ang driver ng tricycle at kanyang pasahero habang nasugatan ang isa pa na hindi muna pinangalanan ng pulisya.
Sa ulat ng San Miguel police,bago naganap ang insidente bandang alas-9:05 ng gabi sa Cagayan Valley road, Brgy. Balite. ay binabagtas ng tricycle driver na may tatlong pasahero ang southbound lane nang aksidenteng araruhin ng kasalubong na bus na pa-northbound.
Halos wasak ang tricycle habang ang bus ay bumangga naman sa bakuran ng isang bahay na kung saan ay tumilapon ang driver at ang tatlong pasahero sa kalsada.
Ang trike driver at ang isang pasahero na hindi pinangalanan ay idineklarang dead on arrival habang ang dalawang kasamahan naman ay nagtamo ng malubhang pinsala sa iba’t ibang parte ng katawan na dinala ng rescue team sa San Miguel District Hospital para sa paunang lunas.
Nasa kustodiya ng San Miguel police ang driver ng bus na si Joseph Christian Catingco, 35, binata ng Brgy. Nagmisahan, Cuyapo, Nueva Ecija na nahaharap sa kaukulang kaso.