MANILA, Philippines — Nagsagawa ng rally kahapon ang mga tinanggal na manggagawa ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa harap ng Supreme Court (SC) sa Maynila.
Humihingi ng “second motion for reconsideration”ang mga raliyista kaugnay ng desisyon nito na tanggihan ang hinihinging bayad ng mga empleyado.
Kinatigan ng SC noong Agosto ang desisyon ng Commission on Audit (COA) na ang mga empleyado ng dating Metro Transit Organization Inc. (MTOI) ay hindi maaaring humingi ng compensation mula sa Light Rail Transit Authority (LRTA).
Ito ay dahil hindi umano na-renew ng LRTA ang operations and management agreement sa mga empleyado ng MTOI kaya’t nagreklamo sila ng illegal dismissal at unfair labor practices, kung saan ipinag-utos ng Labor Arbiter na bayaran sila ng P208.2 milyon bilang separation pay at backwages.
Samantala, nauna nang naging desisyon ng SC na hindi maaaring managot ang LRTA dahil wala sa hurisdiksyon ng Labor Arbiter at National Labor Relations Commission (NLRC) ang LRTA.