MANILA, Philippines — Nasagip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang kasambahay na biktima ng human trafficking na kung saan ay pitong Chinese national ang inaresto sa isang operation sa Parañaque City.
Iprinisinta sa media ang biktimang si alyas “Letlet” na nagsiwalat na siya ay sapilitang ginawang kasambahay at ikinukulong sa isang gusali ng mga Intsik at hindi rin naibibigay sa kaniya ang pangakong P18,000.00 sweldo kada buwan at sa halip ay P7,000.00 lang ang natatanggap.
Sa ulat, Disyembre 11, 2024 nang magpasaklolo sa NBI-Cybercrime Division (CCD) ang isang driver na kaibigan ng biktima hinggil sa pagdetine ng mga suspek sa John Paul St., Multinational Village, Moonwalk, Parañaque City.
Nang salakayin ay nasorpresa ang NBI nang madatnan sa isang silid sa ika-3 palapag ng gusali ang mga Chinese nationals na nagtatrabaho sa mga naka-set-up na desktop computers, mobile phones, sim cards, written scripts at customers ledgers, na nagpapatibay sa hinalang may organized deceit sa operasyon.
Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na kahit sa tingin pa lang sa mga desktops na ginagamit ng mga suspek sa oras ng operasyon ay nakita ang mga fictitious accounts, bank accounts at fraudulent cryptocurrency investment platforms.
Sinasabing ang operasyon ay scamming activities partikular sa catfishing scams, credit cards scams, cryptocurrency scams at fake investment scams. Patung-patong na kaso ang isinampa ng NBI laban sa mga naarestong Chinese.