MANILA, Philippines — Hinihikayat ni House Deputy Majority Leader Rep. Erwin Tulfo ang Department of Agriculture (DA), sa pangunguna ni Sec. Francisco Tiu Laurel, na umpisahan ng hulihin ang mga mapanamantalang mga rice importers at traders sa bansa dahil sa patuloy na mataas na presyo ng bigas sa merkado. Ani ni Cong. Tulfo, “P35 per kilo ang imported rice paglabas sa ating pier, e bakit wala pa rin tayong nakikitang bigas na less than P50 ang kilo sa palengke. Ang ibig lang sabihin nito sa bulsa lang ng mga importers at traders napupunta lahat ng profit o kita at hindi man lang nila patikmin ang taumbayan.
Ayon pa kay Tulfo, bumaba ang presyo ng bigas sa abroad kung saan galing ang mga imported na bigas at bumaba na rin umano ang taripa sa imported na bigas kaya’t dapat bumaba na rin presyo ng bigas sa palengke.
“Kung P35 per kilo ang gastos nila sa pagbili at pagpaparating nila ng bigas sa bansa dapat nasa P45 ang kilo na lang ng bigas sa palengke kasama na yung kanyang kita doon at ng rice retailer”, paliwanag ni Tulfo.
“Panahon na mag-sampol si Sec. Laurel ng tusong importer na makasuhan at kumpiskahin mga bigas nito dahil sa overpricing,” anang mambabatas. Aniya, “pero ang problema, mukhang nakatunganga lang ang DA natin at nag-aantay ng biyaya mula sa langit.”