MANILA, Philippines — Isang liham ang ipinarating ng rank and file ng Bureau of Customs (BOC) kay Comm. Bienvenido Rubio hinggil sa paniningil umano ng isang opisyal ng aduana ng pera sa mga empleyado sa tuwing sila ay mag-aaplay ng travel authority para makapagbiyahe. Ang travel authority ay kailangan ng mga kawani ng gobyerno kapag sila ay mag-aabroad para sa isang seminar, schooling o bakasyon.
Hiling ng mga empleyado kay Comm. Rubio na sibakin ang isang opisyal ng Internal Administration Group (IAG) dahil sa paniningil ng bayad para sa simpleng travel authority issuance gayong libre naman dapat daw ito.
Halagang P20,000 umano ang binabayad ng mga empleyado na gustong magbiyahe, personal man o official travel, sa naturang opisyal.
Sa naturang liham, na pinadalhan din ng kopya ang House of Representatives at Department of Finance, inirereklamo din ang nasabing opisyal ng pangingikil sa mga empleyadong gustong ma-promote. Halimbawa dito na kung nais ng isang Customs security officer ma-promote bilang Special Agent 1, kailangang maglagay ito ng P200,000 hanggang P500,000 sa nasabing opisyal.
Nasa P500,000 hanggang P1 milyon naman ang bayad sa IAG official na ito para ma-promote bilang Assistant Customs Operations Officer 1.
Tatlong milyong piso naman ang halaga ng puwesto bilang Customs Operations Officer 2 at Customs Operations Officer 3 naman at P5 million naman umano ang kailangang ibigay para maging Customs Operations 5 ang empleyado ng BOC at pati pagpapalipat lang ng assignment o lugar ng trabaho ay may bayad din sa opisyal.