MANILA, Philippines — Sumulat ang House Committee on Good Government and Public Accountability sa Philippine Statistics Authority (PSA) upang ipahanap kung mayroong record ang 677 na nakalistang tumanggap ng confidential fund ni Vice President Sara Duterte. Ang sulat ay ipinadala ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, chairman ng komite, kay National Statistician Claire Dennis Mapa matapos lumabas na walang record sa database ng PSA si “Mary Grace Piattos,” na isa sa nakatanggap ng confidential fund batay sa isinumiteng acknowledgment receipts (ARs) ng Department of Education sa Commission on Audit (COA).
Sinabi naman ni SA Assistant National Statistician Marizza Grande na ang ahensya ay walang record ng isang Kokoy Villamin na isa rin umano sa mga nakatanggap ng confidential fund ni Duterte batay sa isinumite nitong AR sa COA ng DepEd at Office of the Vice President (OVP).
Batay sa dalawang AR na natanggap ng COA, bagama’t magkapareho ang pangalan ay magkaiba ang pagkakasulat at pirma nito.
Ang mga AR ay isinumite ng DepEd at OVP upang bigyang katwiran ang paggastos nito ng kabuuang P612.5 milyong confidential funds mula Disyembre 2022 hanggang Setyembre 2023.
Napukaw ng pangalang “Mary Grace Piattos” ang atensyon ng mga kongresista sa isinagawang imbestigasyon dahil katunog ito ng pangalan ng isang restaurant at isang brand ng potato chips.
Ayon kay Chua, ang resulta ng pagsusuri ng PSA ay magiging mahalagang bahagi ng kanilang isinasagawang imbestigasyon.