MANILA, Philippines — Nasawi ang anim na katao sa naganap na sunog na tumupok sa isang residential building sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) na ang mga biktima ay dalawang bata at apat na matanda na mula sa dalawang pamilya.
Sa ulat, alas-2:40 ng madaling araw nang maganap ang sunog sa four-storey residential building na pag-aari ng pamilya ni Nida Rivera Pili na matatagpuan sa No. 1247 Blumentritt St. Sampaloc, Maynila.
Itinaas ng BFP, ang first alarm ng alas-2:49 ng madaling araw at second alarm ng alas-2:50 ng madaling araw.
Nahirapan ang mga bumbero at fire volunteers na pasukin ang apektadong lugar dahil sa makipot ang daanan at isang tao lamang ang kasya.
Natagpuan ang tatlong bangkay sa ika-4 na palapag habang ang tatlo ay sa ground floor na hinihinalang bumagsak mula sa ikalawang palapag nang matupok dahil yari sa kahoy ang sahig.
Iniimbestigahan pa ng BFP ang mitsa ng sunog,subalit sinisilip ang anggulo ng posibleng electrical wiring.