Kamara pinagtibay ang libreng biyahe ng relief goods sa mga tinamaan ng kalamidad

MANILA, Philippines — Pumabor ang 182 kongresista sa pag-apruba sa hu­ling pagbasa ng House Bill (HB) No. 10924 o ang “Free Transportation of Relief Goods Act” na nag-aatas na gawing libre ang freight services para sa pagbiyahe ng mga relief goods at donasyon sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity.

Layunin ng panukala na resolbahin ang pagkaipit at pagkabalam ng disaster response sa pamamagitan ng pagtiyak na mabilis na makakarating ang mga relief goods sa nasalantang komunidad.

“This legislation creates a vital partnership between government and the private logistics sector, requiring free freight services for relief goods while providing tax incentives to participating carriers,” sabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Oras na maging ganap na batas, aatasan ang National and Regional Logistics Cluster na pangungunahan ng Office of Civil Defense (OCD), katuwang ang Department of Transportation (DOTr) kasama ang Philippine Postal Corporation (PPC), freight companies, common carriers, private carriers, freight forwarders, at iba pang kompanya na nagbibigay ng logistic services sa Pilipinas na ilibre ang freight services sa mga rehistradong organisasyon na magbibigay ng relief operations sa mga sinalantang lugar.

Aalisin na rin ang shipping auxiliary costs tulad ng arrastre services, pilotage, at iba pang port charges, pati airport-related fees.

Show comments