Higit 300K katao apektado nina Nika, Ofel – NDRRMC

Namonitor ng PAGASA weather specialists ang paggalaw ng super typhoon Ofel sa kanilang main office sa Quezon City kahapon. Kaya naman ay nagpalabas na ng babala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga nakatira sa Luzon na humanda sa paglikas.
Miguel De Guzman

MANILA, Philippines — Batay sa report kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Ma­nagement Council (NDRRMC) na mahigit 300,000 katao ang apektado ng bagyong Nika at Ofel sa limang rehiyon sa bansa.

Sa datos ng NDRRMC, nasa 85,415 pamilya o kabuuang 309,581 mga indibidwal ang naapektuhan mula sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon at Bicol Region. Sa nasabing bilang ay nasa 46,495 ang nagsilikas.

Ayon kay NDRRMC Executive Director Ariel Nepomuceno ang bagyong Nika na nakaapekto sa hilagang Luzon ay lumisan na sa bansa nitong Martes pero nanatili silang nakaalerto matapos namang pumasok na si Ofel sa Philippine Area of Responsibility (PAR).

Sa kasalukuyan, nakataas na ang Tropical Cyclone wind signals No. 5 sa hilagang silangan at mainland ng Cagayan na kinabibilangan ng mga bayan ng Gonzaga at Santa Ana.

Habang signal No.4 naman sa hilaga at silangang bahagi ng mainland Cagayan o ang mga bayan na kinabibilangan naman ng Aparri, Ballesteros, Buguey, Allacapan, Gattaran, Baggao, Sta Teresita, Camalaniugan, Allacapanl, Gattara at Peñablanca at maging ang hilagang silangang bahagi ng Isabela.

Sa babala ng weather bureau, ang mga lugar na binayo ni Nika ay siya ring dadaanan ng hagupit ng bagyong Ofel na ina­asahang magla-landfall sa silangang bahagi sa baybayin ng Cagayan o sa hilagang parte ng Isa­bela anumang oras mula ngayon.

Show comments