MANILA, Philippines — Idineklarang dead on arrival sa ospital ang isang 9-anyos na batang lalaki matapos masalpok ng motorsiklo habang tumatawid papasok sa eskuwelahan kamakalawa ng umaga sa Lapu-Lapu City.
Hindi na pinangalanan ang biktima na isang grade 3 student na nasawi dahil sa maselang tama sa ulo.
Sa ulat ng Lapu-Lapu City Police Office, bago nangyari ang aksidente, alas-8:30 ng umaga nitong Martes sa Tiangue Road, Barangay Babag, Lapu Lapu City ay tumatawid ang biktima papasok sa paaralan nang mahagip ng motorcycle rider.
Sa lakas nang pagkasalpok ay tumilapon ang biktima at tumama ang ulo sa semento at agad na dinala sa ospital, subalit idineklarang dead on arrival.
Nasa kustodiya naman ng pulisya ang motorcycle rider at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.