MANILA, Philippines — Sumuko na sa mga otoridad ang SUV driver na ilegal na gumamit ng EDSA busway na may pekeng “7” protocol plate na nakatalaga lamang sa mga senador.
Ito ang inihayag kahapon ni Director Francis Almora, hepe ng Law Enforcement Service ng Land Transportation Office (LTO) at kinumpiska na ang lisensya ng SUV driver na si Angelito Edpan ng Orient Pacific Corporation.
Sinabi naman ni LTO chief Vigor Mendoza na patung-patong na paglabag ang ginawa ni Edpan na ang pagpasok nito sa Edsa Bus way ay paglabag sa disregarding traffic sign na may multang P1,000, paglikha ng epekto sa mga motorista at muntik pagbangga sa traffic enforcer na may paglabag na reckless driving na may multang P2,000 at paggamit ng sasakyan na nilagyan ng plate number 7 at hindi paggamit sa regular plate ay paglabag sa executive order 56 na may multang P5,000.
Niliwanag ni Asst. Secretary Mendoza na ang mga penalties ay inisyal na ilalapat sa driver dahil sa nagawa nito at maaaring madagdagan pa depende sa resulta ng kanilang ginagawang imbestigasyon sa isyu.
“Sumubok lang po ako na dumaan dun kase linggo yun at nagmamadali ako nun para ihatid ang aming guest sa Megamall galing kami sa East Ocean Restaurant,” wika ni Edpan.
Anya, dalawang taon na siyang driver sa naturang kompanya at hindi na niya iniinda kung anuman ang plaka ng gagamiting sasakyan at noon pa anya ay nakalagay na sa sasakyan ang plate number 7.
Humingi na lamang ito ng paumanhin sa LTO sa nangyaring paglabag sa batas.