Ika-183 death anniversary ni ‘Hermano Puli’, ginunita

Kasama ni Quezon Governor Doktora Helen Tan sa seremonya sa paggunita ng ika-183 anibersaryo ng kamatayan ni Apolinario dela Cruz o mas kilala bilang “Hermano Puli” sina Col. Johnson Jemar Aseron, acting Deputy Commander SolCom, AFP at PNP Quezon Provincial Director Co. Ruben Laquesta.

MANILA, Philippines — Sa kabila ng mau­lang panahon ay ginunita noong Lunes ang ika-183 anibersaryo ng kamatayan ni Apolinario dela Cruz o mas kilala bilang “Hermano Puli” sa Isabang, Tayabas City.

Pinangunahan ni Que­zon Governor Doktora Helen Tan ang seremonya kasama sina Taya­bas City Mayor ­Lovely ­Reynoso-Pontioso, mga Punong Tanggapan sa pangunguna ni P.A Manny Butardo, mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon kabalikat ang Southern Command ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police para sa pag-alala sa kabayanihan, kontribusyon at sakri­pisyo ni Hermano Puli.

“God is really Good, tayong lahat ang tumatamasa ng iniwang kapayapaan ni Hermano Puli, kung kaya’t bilang Que­zonian marapat na sama-sama nating pagyamanin at pagyabungin ang yaman na mayroon ang lalawigan ng Quezon,” ayon pa sa gobernadora. Hiling naman ni Gov. Tan na maisabatas na ng kongreso ang ika-4 ng Nob­yembre bilang opisyal na holiday sa lalawigan ng Quezon para sa paggunita sa kamatayan ni Hermano Puli.

Sa naturang ­seremonya, kinilala ng gobernadora ang mahalagang ambag ni Hermano Puli sa mga taga-Quezon, partikular sa kanyang pakikibaka para sa mga karapatan at kapakanan ng mga mamamayan. Ayon kay Gov. Tan, ang mga kawani ng gobyerno ay may mahalagang papel sa pagpapaunlad ng lipunan na kailangan magpatuloy sa pagtutok sa mga programang makikinabang ang mamamayan, gaya ng mga proyekto sa edukasyon, ­kalusugan, at imprastraktura.

Show comments